Linggo, Enero 4, 2015

Batanes

       Mga Ibang Impormasyon Tungkol Sa Lugar Ng "Batanes"

Ang Batanes ay isang lalawigan sa hilagang Luzon. Ito ay kabilang sa Region 2. Ang lalawigang ito ay ang pinakahilaga sa buong Luzon. Binubuo ito ng mga pulo ng Batan, Sabtang, Itbayat at iba pang mga malilit na pulo. Halos ilang kilometro na lang ito sa bansang Taiwan. Ang Batanes ay isang kakaibang lugar dahil sa kultura at kalikasang tanging kanila lamang.
Ang kultura ng mga taga-Batanes o mga Ivatan, ang tawag nila sa kanilang mga sarili, ay isa sa mga pinakamatanda sa buong Pilipinas. Sinasabing ang mga ninuno ng mga Ivatan ay nanggaling sa timog Taiwan 3,500 taon na ang nakakaraan at ginawang tulay ang Batanes upang makarating na sa mga malalayong lugar tulad ng Indonesia at Micronesia. Ang kultura nila ay pareho rin sa kultura ng mga tribo sa Lan Yu (timog Taiwan), dahil sa ang kanilang wika, ang Yami, ay medyo hawig sa Ivatan. Isa pang tribo na ikinukumpara ang mga Ivatan ay sa mga isla ng Riyuku na matatagpuan sa timog Hapon. Sa pakikipagkapwa, talagang masaya sila kung may malalaman silang mga kababayan. Talagang mahal nila ang kanilang kapwa, tinatawag na pachilipulipus.
Ngayon, ang kanilang kultura ay may halong banyaga na dahil sa pag-kolonisa sa kanila ng mga Kastila, na naghatid ng malaking impluwensiya sa kanilang wika, relihiyon, at mga tradisyon. Nahaluan na rin ng modernong mga kostumbre ang mga Ivatan dahil sa impluwensiya ng Maynila (na may mga direct flight na patungo roon) at ng Amerika, sa kadahilanang maraming Ivatan na ang maaaring magtungo roon.
Ang kanilang wika, ang Ivatan, ay katangi-tangi rin dahil sa kakaibang bokabularyo at pagbigkas nito hindi katulad ng isang tipikal na wika sa Pilipinas. May mga similaridad naman ang Ivatan sa ibang mga wika sa hilagang Luzon, tulad ng Ilokano at Ibanag. Ang Ivatan ay may malaking pagkakatulad sa isang wika sa timog Taiwan, ang Yami, na salita ng mga katutubong Lanyu roon. Sinasabi ng mga lingguwistiko na iisa ang pinanggalingan ng dalawang salita. Sinasabi rin daw na may ilang tribo pa sa timog Taiwan malapit sa lugar ng Banking na ginagamit ang Ivatan bilang wika.
Dahil sa binubuo ang Batanes ng maraming isla, hindi masyadong nagkakaintindihan ang mga tao roon. Sa mismong isla pa lang ng Batan, may dalawang diyalekto na ng Ivatan ang natagpuan, ang Ivasayen na ginagamit sa kapitolyo (Basco). Ang ikalawa ay ang Isamurungen, na ginagamit sa mga munisipalidad ng Mahatao, Ivana, Uyugan, at Sabtang. Hindi masyadong magkaiba ang dalawa ngunit ang nakikitang pagkakaiba nila ay may kinalaman sa pagbigkas. May isa pang diyalekto ang Ivatan, ang Itbayaten. Ito ay ginagamit sa isla ng Itbayat. Ang isang taga-Batan o Sabtang na makapunta sa Itbayat sa unang pagkakataon ay hindi kaagad makakaunawa ng diyalekto nila roon. Sinasabi nga na ibang lengguwahe na ang Itbayaten dahil hindi na halos maintindihan ang kanilang salita. Ang huling diyalekto ng Ivatan ay ang Ibatan, ang wika sa Babuyan Islands na parte na ng Cagayan. Mas magkatulad pa sila ng Itbayaten kaysa sa Ivasayen at Isamurungen.
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

1 komento: